Isang gabi, habang nakapasak sa dalawang tenga ko ang
headset at nakikinig sa mga musikang nakalagay sa aking memory card na panay
mga kantang mula sa ibang bayan ay naisipan kong magpadala ng group message sa
mga piling tao sa phonebook ko. May mga ilang sumagot sa aking mensahe at
matagal ang nagging kwentuhan namin sa text. Nang biglang maalala ko ang mga
masaya at malungkot na pangyayari sa aking buhay kolehiyo.
Para sa mga hindi pa nakakaalam, ako’y nagtapos ng Bachelor
of Secondary Education major in Physical Science. Apat na taon din akong
nakipagtunggali sa mga pangalang ang iba’y batid kong kilala ninyo gaya nila
Einstein, Newton, Aristotle, Coulomb, Archimedes, Pascal, at marami pang iba. Mayroon
ding ilan na nakasulat sa mga aklat ngunit hindi lubusang kilala ng ilan tulad
ni Kirchhoff na nagpahirap sa buhay namin.
First year college ako noon ng unang makilala ang ilan sa
mga taong naging bahagi ng makulay na buhay ng pag-aaral ko. Sa umpisa gusto ko
talagang mag-major sa Mathematics ngunit batay sa aking auntie overflowing na
daw ang mga teachers sa Math and English kaya’t kinuha ko ang Physical Science
na alam kong konti lang ang kumukuha sa taglay nitong hirap sa hayskul.
Ewan ko ba pero hindi ako yung tao na mabilis makihalubilo
kaya’t halos isang buong lingo rin akong tahimik at wala halos kausap.
Introvert kasi akong tao. Ngunit nagkaroon din ako ng mga kaibigan at nakilala
ko na lahat ng aking mga kamag-aral. Sila’y naging kasa-kasama sa pag-aaral sa library,
pagpunta sa paboritong canteen para kumain, mga taong laging handang kumopya at
magpakopya ng takdang aralin.
Sa unang taon ko rin sa kolehiyo ng makapasok ako sa varsity
ng table tennis. Nakilala ko ang mga taong naging kaibigan at katunggali sa mga
tournaments. Apat na taon akong naging manlalaro at naging iskolar dahil sa
aking talento sa table tennis. Nakakalungkot na minsa’y gusto ko ulit balikan
ang mga sandaling kami ay nasa training, gabi na sa pag-uwi ngunit dadaan muna
sa bahay n gaming coach para mag-merienda, ha-ha.
Isa sa mga subjects na hindi ko malilimutan noong second
year kami ay ang PE 3 na ang description ay Swimming. Si Mrs. Jarapa ang gaming
guro, siya ay napaka-istrikto subalit nauunawaan ko siya sapagkat tubig ang
gaming kalaban. Nakakatuwang balikan ang mga katagang “bubbles up ang down!” Hindi
man gaanong kataasan ang aking nakuhang marka sa kanya, batid ko sa aking
sarali na napakarami kong natutunan sa larangan ng swimming.
Second semester ng mas-umpisa kaming pumasok sa major
subjects. Nandito na ang Chemistry, hindi ako magaling dito. Pinag-isa ang
section naming sa mga Biological Science majors. Siya nga pala, 13 kaming lahat
na kumuha ng Physical Science sa batch naming at kami rin ang tinaguriang
pioneering batch. Dahil kasabay namin ang ibang section, marami kami sa loob ng
laboratory kaya’t malaya akong nakikipag-kwentuhan sa aking mga katabi. Hindi
ko talaga kasi gusto ang subject at wala akong interes sa Chemistry. Sa awa ng
Diyos, pasado ako.
Second semester din ng una kong maging guro si Mrs. Osea,
“Dr. O” kung tawagin namin. Sino ba naman ang makakaligtas sa kanyang pamosong
tanong na para sa lahat at bawal mag-ulit ng sagot. “Keyword,” “so what,” “now
what,” at iba pa ang madalas niyang sabihin. Marami siyang mga ipinapagawa sa
amin at madalas kaming nagrereklamo kapag wala na siya, natural na iyan sa mga
mag-aaral. Ngunit ng matapos ang namin ang subject, nakaka-miss pala si Dr. O.
Third year college ng naging matibay ang samahan naming,
“flexibles” ang naging tawag sa aming section. Nagsimula ang mas mahihirap na
subjects at may dumating na magagaling na guro. Si Mam Cindy ay teacher naming
sa Basic Electronics, sobrang idol ko siya sa larangan ng pagtuturo. Malinaw
niyang naibibigay ang mga aralin at hanggang ngayon, may mga itinuro pa siya sa
amin na nakatatak parin sa aking isip.
Nakilala ko rin si Mam Ramona Isabel Ramirez, guro naming
siya sa Biochemistry at Analytical Chemistry. Sa kanya ko nakuha ang
kahalagahan ng subject, sa kanya ko naunawaan na ang mga mahihirap na bagay ay
pwedeng gawing madali. Sa kanya ko natutong mahalin ang Chemistry, at dahil sa
kanya marami akong natutunan. Madalas rin siyang mag-kwento ng mga pangyayari
sa kanyang buhay na nagbibigay sa amin ng inspirasyon.
Dumating ang panahon na kami ay nasa huling taon na sa
kolehiyo. Mas maraming requirements at mas mahirap ang mga ibinibigay na gawain.
Maraming seminar at workshop, maraming kailangang daluhan at maraming kailangan
tapusin. Ngunit lahat ng iyon ay ginawa para kami ay ihanda sa huling semester
namin na practice teaching.
Na-deploy ako sa Dña. Basilia S. Quilon Memorial High School
kung saan naranasan ko ang isang komunidad na napakasaya. Ito’y isang paaralan
subalit ang turingan ay parang isang pamilya. Nakasama ko rin dito ang apat na
madaling pakisamahan. Wala halos kaming naging problema sa buong semester.
Dumating ang panahon na kailangan na naming tapusin ang
aming research. Halos wala ng tulog ngunit kinakaya pa naman namin. Nandiyan na
yung maraming pagkain, may mga pinapanood, musika, kung ano-ano na lang para
alisin ang aming antok. Matapos ang lahat, napakasarap sa pakiramdam. Nandoon
pa yung binigyan ako ng 1.0 na grade sa practice teaching na subject.
Masayang balikan ang mga pangyayari sa buhay college. Kung
ang karamihan ay nagsasabing hayskul ang pinakamasayang yugto ng pag-aaral,
hindi ako doon sang-ayon sapagkat para sa akin iyon ay sa kolehiyo. Naranasan
kong mapalayo sa aking mga magulang ngunit iyon ang naghanda sa akin para
mabuhay ng mag-isa.
Masasabi ko na isa pa sa mga masayang pangyayari sa aking
buhay ay ang araw ng graduation. Natanggap ko ang aking diploma na matagal ko
ring pinaghirapan. Idagdag pa na ako’y nabigyan ng karangalan ng tanggapin ko
ang award bilang Cum Laude, bragging rights man na matatawag kung ika’y
mabigyan ng ganitong pag-kilala.
Subalit hindi lahat nagtatapos sa graduation day ang college
life. Ito’y isa lamang na pintong sasara ngunit magbibigay daan sa isa pang
pinto para bumukas. Makalipas ang halos isang taon ng aking pagtatapos, napakaraming
mga nangyari sa aking buhay. Maraming mga bagong kaibigan ang dumating at
marami rin naman ang mga umalis. Ganyan talaga siguro ang buhay.
Ngunit ano pa man ang mangyari, alam ko na kahit ako’y
tumanda na ay may mga masasayang pangyayari sa aking buhay ang aking babalikan.
Mga pangyayaring kasabay kong dinaanan kasama ang mga kaibigan na aking
pahahalagahan habang ako’y nabubuhay.
No comments:
Post a Comment