Thursday, May 31, 2012

For A Change



Malimit na gamitin kong wika ay Ingles sa tuwing ako’y nagsusulat, doon kasi ako mas mabilis na nakakapagtapos ng isang artikulo. Idagdag pa na hindi ako sadyang dalubhasa sa paggamit ng wikang Filipino. Minsan natatawa ako kapag ang aking status sa Facebook o ang tweet ko sa Twitter ay nasa wikang Filipino, parang hindi lang ako sanay.


Gayunpaman, may mga nabasa akong blog na may adhikaing hikayatin ang mga Pinoy na gamitin ang sariling wika natin. Ang punto nila, mas madaling maintindihan at mas mabilis tayong nakakapaglabas ng mga nais nating sabihin. Sinasabi rin na hindi ibig sabihin na magaling ka mag-Ingles ay matalino ka na. Kaya’t heto ako, sinisikap na magsulat ng purong wikang Filipino subalit hindi ko maiiwasan na gumamit ng banyagang salita, tila I am still on the transition period, ha-ha.

Maaari sigurong isa sa mga dahilan kung bakit madalas Ingles ang gamit ko ay dahil iyon ang ginagamit ko sa tuwing ako’y nagtuturo. Bilang isang Physics at Chemistry teacher, mahirap isa-wikang Filipino ang mga salitang gagamitin. Isa pa, para sa akin mas madaling gamitin ang banyagang wika. Madalas rin kasi akong magbasa ng mga akdang nasa wikang Ingles, nagbabasa ng mga artikulong may parehong lengwahe, at nagpapatuloy sa pag-aral ng wikang Ingles.
Ngunit sa mga susunod ko pang ilalathala dito sa aking patuloy na binubuhay na mga pahina, sisikapin kong gamitin ang sariling atin. Nakakatawa man pero ako’y nasisiyahan habang sinusulat ko ito.

Kasabay ng pagsusulat ay ang pakikinig sa mga awitin ni Jose Mari Chan. Matagal na kasing nasa laptop ko ang mga awitin niya subalit hindi ko napagtutuunan ng pansing pakinggan, mas nauuna pa kasi iyong mga makabagong awitin na tila wala namang magandang sinasabi, maganda lang ang beat, ha-ha.

Siya nga pala, malapit na ang pasukan pero mukhang hindi pa ako makakapasok sa public school kasi hindi ko pa nakukumpleto ang mga hinihinging dokumento para i-approve ang aking assignment order. Habang wala pa akong ginagawa, inaayos ko isa-isa ang mga kailangan.

Pasasaan ba at lahat ay matatapos din!!!

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...