Subalit hindi iyan ang punto ko.
Sa nakaraang dalawang buwan na bakasyon, napakaraming nangyari. Nariyan na ang
mga araw na ang dala ay sobrang init, mga sandaling walang magawa kung hindi
ang manood ng telebisyon, mga pagkakataong ang tanging hiling ay sana pasukan
na ulit. Sa dalawang buwan na iyon, ang aking atensyon ay nakatuon sa isang cartoon
series na buhat sa mga Hapon. Naruto Shippuden ang pamagat nito.
Inumpisahan kong manood nito sa
episode one ng Naruto Shippuden patungkol sa paglalakbay ni Uzumaki Naruto para
maging isang Hokage at maibalik sa Konoha ang kaibigan at kasama sa pangkay
niyang si Sasuke. Naghanap rin ako ng mga impormasyon at nalaman ko na ikalawang
parte na ito ng Manga Series, at ito’y pagpapatuloy ng Naruto Series pakalipas
ng dalawa at kalahating taon.
Minsan na akong nakita ni mama na
nanonood ng walang tigil at pinagalitan pa ako sapagkat hindi ko man lamang daw
pinapahinga ang aking mata at ang laptop. Dagdag niya pa ay para daw akong bata
para manood niyon. Subalit gustuhin ko man na itigil ang panonood, hindi ko
magawa. Kagaya ng hindi ko pagtigil sa paglalaro ng table tennis kahit ako’y
sobrang pagod na. Kagaya rin ng hindi ko maputol na pagbabasa ng mga libro ni
JK Rowling.
Kung titignan ang mga episodes
nito ay parang isa lamang simpleng palabas na napakatagal matapos at puro
labanan lamang ang ipinapakita. Subalit aking tinignang mabuti kung ano nga ba
ang totoong nais iparating ng anime na ito? Bakit hindi tumitigil si Naruto na
pigilan si Sasuke na sumama kay Orochimaru? At kahit si Sakura ay ganoon rin
ang nararamdaman? Napakaraming tanong na nais kong masagutan.
Lahat ng katanungang mayroon ako
ay tila nasagutan sa season one pa lamang ng serye. Kung ikaw ay nanonood nito,
alam mo na si Naruto sa umpisa ay laging nag-iisa at walang kaibigan sapagkat
ang Kyuubi ay nasa kayang katawan na inilagay ng kanyang ama para makontrol ang
kapangyarihan nito. Dahil doon, siya’y kinatatakutan ng marami. Ngunit sa
taglay na determinasyon ni Naruto ay nagawa niyang makipagkaibigan sa maraming
tao at pinapakita sa palabas na marami ang nagmamahal ay may tiwala sa kanya. Pero
bakit sobra-sobra naman yata ang ibinibigay niyang atensyon para kay Sasuke. Bakit?
Kung ikaw ay may kaibigan at siya
ay malalagay sa kapahamakan, malamang ang gagawin mo ay iligtas siya lalo na
kung ang turing mo na sa kanya ay parang isang kapatid.
“Sasuke acknowledges me more than
anyone has ever does.” Iyan ang linyang sumagot sa aking mga katanungan.
Nakakatuwang isipin na kahit ang
mga eksena sa cartoon na ito ay hindi makatotohanan, pilit ko pa rin itong
sinusubaybayan. Nais kong malaman kung hanggang saan ang limitasyon ng “bond”
ng kanilang pagkakaibigan. Gusto kong matunghayan kung ano ang gagawin ni
Naruto upang maibalik si Sasuke sa Konoha. Mahirap man ang kanyang pagdaraanan,
alam kong sa bandang huli ay mananaig pa rin ang kabutihan laban sa kasamaan.
Isa pa sa mga gusting-gusto ko sa
anime na ito ay ang mga nagagawa ng taong may mga pangarap. Bawat isa sa mga
tauhan ay may mga pangarap at lahat sila ay nananatiling matatag sa pagtupad ng
mga pangarap na ito.
Huli na ito, may isang eksena na
hindi ko malilimutan. May linyang binitawan ang mga miyembro ng team ni Gai, “I
will be stronger than I was yesterday.” Madaling sambitin ngunit parang ang
hirap gawin. Iyan ang gusto kong subukan sa aking buhay. Hindi naman ibig
sabihin ay magpapalakas ako sa pisikal na paraan, maaring sa ibang aspeto ng
aking buhay. Maaaring iyan ay nagsasabi lamang ng halos kaparehong paraan ng
mga katagang “make your weaknesses your strengths.” Maaaring bawat isa sa atin
ay may iba pang interpretasyon, ang mahalaga ay kung ano ang gagawin natin
upang mapabuti an gating pagkatao.
Ang Naruto Shippuden ay
masasabing nilikha para sa mga manonood na bata, subalit hindi niyon limitado
an gating mga paniniwala. Maaaring simple lamang ito para sa ilang mga
nakakapanood ngunit ito’y maaaring nagbibigay ng inspirasyon sa iba.
Sa kasalukuyan, ako ay nasa
season 6 pa lamang. Madami pa akong dapat panoorin. Magkaiba man kami ni Naruto
ng mga pangyayari sa buhay, masuwerte ako sapagkat ipinanganak ako na maraming
tao ang nagmamahal sa akin.
At least I know in myself that
there are those who acknowledge my presence. Masarap sa pakiramdam sapagkat
sila ang nagsisilbing dahilan kung bakit tayo ay patuloy na pinapabuti ang
ating sarili at sinisikap na maging maligaya sa kabila ng maraming pagsubok sa
buhay.
It gives us comfort, right? When
someone acknowledges us.
No comments:
Post a Comment