Simula high school, madalas na
akong nagsusulat ng kung ano-ano. Mga sulatin na ang iba ay nakatago pa
hanggang ngayon, ang iba naman ay hindi ko na alam kung nasaan, at ang iba ay
nailathala ko na sa blog na ito. Marami na kung tutuusin ngunit hindi pa rin
ako nagsasawa na magsulat ng mga ideyang minsan ay pumasok sa aking isipan. Ang
iba sa mga ito ay pawing walang katuturan ngunit sadyang wala akong pakialam,
ako ay nagsusulat, tuldok.
Ngunit bakit nagsusulat ang
karamihan sa mga tao? Ano ang pwedeng mga maging dahilan? Para saakin,
nagagamit koi to para makipag-komunikasyon sa iba. Nagiging daan ito para masabi ko ang mga
bagay na mahirap sabihin para sa isang partikular na tao. Maaari ring para
mailabas ko lang ang aking mga nararamdaman, maging ito man ay kasiyahan,
kalungkutan, hinagpis, katagumpayan,kasawian,
pagmamahal, o kung ano pamang kadahilanan. May mga pagkakataon ring
isinusulat ko ang mga pangyayaring nagaganap sa aking buhay, ito ay paraan ko
upang malaman ng aking mga kaibigan kung ano na ang aking kalagayan. Malayo man
ako sa kanila, alam nila kung ano ang aking mga nararamdaman.
Isa itong epektibong paraan diba?
Napansin ko din na dahil sa aking mga sulat nababalikan ko kung ano man iyong
mga bagay na naganap sa aking buhay sa mga nagdaang panahon. Nababalikan ko ang
mga sandaling ako ay punong puno ng kasiyahan o iyong mga panahong galit ako sa
mundo. Nakakatawa man pero totoo ang mga iyon. Naalala ko na sa nakaraang taon,
nailathala ko dito ang aking sama ng loob sa isang tao. Natatawa nalang ako
kapag iyon ay aking nababasa, puno ng drama talaga ang buhay ng tao, haha.
May positibong naibibigay din sa
akin ang pagsusulat. Nabibigyan nito ako ng paraan para makapag-isip at
mag-reflect sa mga bagay-bagay na nagaganap sa aking buhay. Inilalabas nito ang
iba pang dimension ng aking pagkatao. Nagagawa nitong harapin ko ang aking mga
takot, maramdaman ang pagmamahal, at matawa sa mga biro.
Ang mga sandaling nagagamit ko sa
pagsusulat ay mas mahalaga kaysa sa mga panahon nakaupo lang ako at nanonood ng
mga walang kabuluhang palabas o mga panahong ako ay walang ginagawa at
natutulog lang. Sa pagsusulat ko, naitutuwid ko ang mga pagkakamaling nagawa o
nalalaman ko ang mga bagay na dapat ko pang gawin. Iyon ay dahil sa nabanggit
ko na, REFLECTION.
Hindi man ako magaling magsulat
ngunit ipagpapatuloy ko ito. Ang importante, wala akong natatapakang ibang tao.
Kung ako man ay galit sa ibang tao, isulat ko man ang kanilang mga ginawa ay
hindi naman nila malalaman ang pangalan. Alam ko rin kasi na hindi lahat
kailangang isulat. Ika nga, “may limitasyon.”
Isusulat ko ang aking buhay,
maglalathala ako ng mga istorya, mga tula, at kung ano-ano pa. Wala namang
masama, hindi po ba?
No comments:
Post a Comment